TINGNAN: 101 anyos na lola sa Las Piñas, nagpabakuna kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2021 03:26 PM

Larawan mula sa City of Las Piñas

MAYNILA — Nagpabakuna na ang isang 101 anyos na lola sa Las Piñas bilang bahagi ng programa para masugpo ang coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa Facebook post ng lokal na pamahalaan ng siyudad, si Tomasa Amurao o mas kilala bilang “Nanay Po” mula sa Barangay Talon Dos ang pinakamatandang residenteng nagpabakuna nitong Abril 1. 

 

Kwento ni Benjamir Cabrera, apong doktor ni Amurao at umalalay sa matandang magpabakuna ng AstraZeneca vaccine, wala umanong nararamdamang sakit o side effects si Nanay Po bukod sa "matalas ang karayom.”

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, ipinakita rin ni Cabrera ang medical clearance ni Lola galing sa doktor nito na mas nagpatibay na ligtas na makatanggap ng bakuna ang kanyang lola. 

Pinaalala ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng pagpapabakuna para malabanan ang respiratory disease.

“Muli rin pong pinaalalahanan ang lahat na ang bakuna ay hindi dapat katakutan, ito ay ang magiging panlaban natin sa sakit na dulot ng COVID-19,” anila.

“Sa pagkakataong ito, tulad sa mga health frontliners na nauna ng bakunahan ang ating mga mahal na senior citizens, ay maigting ding imo-monitor ng ating mga health workers para matutukan ang kanilang mga kalusugan matapos makatanggap ng unang dose ng bakuna.”

KAUGNAY NA ULAT

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.