MAYNILA — Kumalat sa social media noong Miyerkoles ang mga haka-haka na umano'y inatake sa puso at inilipad sa Singapore si Pangulong Rodrigo Duterte, lalo't Marso 29 pa siya huling nakita ng publiko.
Pero sa isang Facebook post kinagabihan, ipinost ni Sen. Bong Go ang retrato niya kasama si Duterte, na may diyaryo pa na tila patunay na kamakailan lang ito kinuhanan.
Sinabi rin ng Palasyo na nasa Malacañang ang Pangulo at nagtatrabaho roon.
"President Duterte remains fit and healthy for his age and we thank the Filipino people for voicing their concern and wishing the chief executive strength and good health during this time of COVID-19 pandemic as he continues to discharge his functions as head of the government," ani Presidential Spokesman Harry Roque.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus Durante na ligtas at negatibo sa COVID-19 ang pangulo. Ito ay kahit na umabot sa 126 ang mga myembro ng PSG na nahawahan ng COVID-19.
Pero sa kabila ng paglilinaw ng Palasyo, iginiit ng Makabayan bloc ng Kamara na kailangan pa ring ipaalam sa publiko ang tunay na estado ng kalusugan ng Pangulo.
"Mahigit isang linggo na, missing in action pa rin si Pangulong Duterte. Umaapaw na ang mga ospital, gutom na ang mamamayan dahil sa kakarampot na ayuda, pero photo ops lang ang ibinigay ng Palasyo... We need answers. We demand action and effective solutions to this worsening pandemic situation," patutsada ni Gabriela Rep. Arlene Brosas.
"Natutulog pa ba hanggang ngayon o nagtutulug-tulugan lang? Sa ganitong sitwasyon ng bansa, buong bayan ang naghahanap na sa kanya, malinaw ang mandato ng Saligang Batas na dapat ipaalam ng Pangulo ang tunay na estado ng kanyang kalusugan. Dapat din niyang ipaalam kung suko na ba siya sa pandemya," ani Bayan Muna Rep. Eeufemia Cullamat.
Ayon kay Roque, sa susunod na linggo inaasahang magpapakita muli ang Pangulo sa kanyang lingguhang Talk to the People address.
—Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, Rodrigo Duterte, COVID-19, coronavirus, NCR Plus, NCR Plus bubble, PSG, Talk To the People Address, Presidential Security Group, PSG, Jesus Durante, pangulo, presidente, Makabayan Bloc, Gabriela, Bayan Muna, missing in action