PatrolPH

Central Visayas health workers na itinalaga sa NCR hospitals nag-orientation na

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2021 06:50 PM

MAYNILA — Sumailalim na sa orientation nitong Huwebes ang mga doktor, nurse, at iba pang medical frontliners mula Central Visayas na itinalaga muna sa Metro Manila hospitals para umagapay sa gitna ng panibagong COVID-19 surge.

Dumating sa Maynila ang health workers noong Miyerkoles at magsisimula nang mag-duty sa Biyernes.

Isa sa mga nag-orientation ngayong Huwebes si Dr. Lou Llanes mula Cebu City na assigned sa Lung Center of the Philippines.

Aniya, maraming bilin sa kanila at inikot na sila sa ospital. 

Na-assign na siya sa COVID-19 ward sa Cebu City mula pa noong nakaraang taon kaya sanay na siyang mag-handle ng pasyente pero hindi pa rin daw maiaalis sa kanila ang pag-aalala para sa kanilang sarili. 

Sabi pa ni Llanes, kahit hindi sila mentally prepared ay sinanay naman silang maging handa sa kahit na anong sitwasyon ano mang oras.

Balak niya ngayon ay dalasan ang pagtawag sa pamilya tuwing may libreng oras para gumaan naman ang pakiramdam.

Ngayong hapon nila malalaman ang kanilang magiging schedule at kung saan sila maa-assign. Ang iba raw ay sa ICU habang ang iba naman ay sa ER triage.

Sa loob ng isang buwan nila rito sa NCR ay sa isang hotel sila manunuluyan.

—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.