Barangay health worker, patay nang makaladkad ng tricycle sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2021 08:01 PM

LEMERY, Batangas - Patay ang isang barangay health worker matapos itong mabangga at makaladkad ng isang tricycle sa Barangay Malinis sa Lemery, Batangas Miyerkoles ng umaga.

Sa kuha ng CCTV pasado alas-9 ng umaga Miyerkoles, kita ang babae na patawid sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Malinis.

Galing sa kabilang bahagi ng highway ang babae at tumatawid sa gamit ang pedestrian lane. Nang makarating sa gitnang bahagi ng highway, pinagbigyan itong makatawid ng isang tricycle pero agad na nasalpok ng isa pang paparating na tricycle.

Nakaladkad pa ng tricycle ang biktima, dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba't-ibang parte ng katawan. Isinugod pa ito sa ospital pero binawian rin ng buhay. 

Ayon kay Police Maj. Allan de Castro, hepe ng Lemery Police, nag-overtake ang nakabanggang tricycle. 

“...[A]kala din naman nung matandang babae eh clear na siya kasi pinagbigyan na siya nung isa eh, 'yung nasa likod naman nung tricycle na 'yun um-overtake sa kanan, 'yun ang bumangga. Pumalo ang ulo [ng biktima] sa kalsada, 'yun ang ikinamatay niya, 'yung tama sa ulo," ani Castro.

Isang barangay health worker ang 65 anyos na biktimang residente rin sa Barangay Malinis. Galing ito sa barangay hall nang mangyari ang aksidente.

Ang suspek na ngayon ay nakakulong sa custodial facility ng Lemery Municipal Police station ay kinilalang si Mariano Malapitan, 69 taong gulang at residente ng Barangay Cahilan II. 

“Medyo may kabilisan siya, kasi kahit papano kahit di niya napansin 'yung babae matitigilan pa rin siya kahit papano, ang dahilan niya sa pulis mahina daw ang preno, syempre hindi naman reasonable mahinang preno, responsibilidad mo 'yun na ayusin mo ang sasakyan mo pag ikaw ay nabiyahe," ani De Castro.

Sinampahan na kanina ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek.

— ulat ni Andrew Bernardo

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.