5 katao nagtago sa bagahe para makapuslit sa Cam Sur checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2021 07:24 PM | Updated as of Apr 09 2021 04:32 AM

Watch more in iWantTFC

DEL GALLEGO, Camarines Sur (UPDATE)— Pinara ng mga taga-Land Transportation Office (LTO) sa bayan na ito kamakailan ang isang van patungong bayan ng Libmanan dahil sa kahina-hinala umanong mga kargamento nito.

Ilang sandali pa, sa gitna ng inspeksiyon, bumulaga sa mga awtoridad ang isang babae na nagtatago sa gitna ng mga bagahe. 

"O, may nagtatago o. Ate, anong ginagawa mo diyan? Parang pinagpapawisan ka na ah," sabi ng isang taga-LTO. 

Sumatutal, lima ang pasaherong sakay ng van. Kinuha ng mga awtoridad ang lisensiya at iba pang dokumento ng driver, atsaka in-impound ang naturang sasakyan.

Dinala rin ang driver sa presinto.

Ayon kay LTO-Bicol acting Regional Director Vincent Nato, dati nang nahuli ang van dahil sa pagiging kolorum nito.

Sa bayan ng Nabua pa rin, na kalahating oras na lang sa Albay border, arestado ang driver ng kolorum na van matapos tangkaing suhulan ang mga pulis at LTO personnel na nasa checkpoint.

Anim ang sakay ng van, na negatibo naman sa antigen test.

Paalala ng Camarines Sur provincial government, hindi kailangan ng mga residente na pumuslit dahil libre ang rapid antigen test sa border.

May 179 active cases ng COVID-19 ang Camarines Sur hanggang nitong Huwebes. 

—Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News, Camarines Sur.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.