Philippine Arena, posibleng magamit na bilang quarantine facility sa susunod na linggo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 10:50 PM

MAYNILA - Madadagdagan pa ang mga quarantine facility na maaaring magamit ng COVID-19 patients sa bansa.

Ayon kay COVID-19 National Task Force spokesperson Restituto Padilla, inaasahan sa susunod na linggo ay magagamit na rin ang Philippine Arena.

Kahapon aniya ay binista ni COVID-19 national policy chief implementer Sec. Carlito Galvez, kasama sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Bases Conversion and Development Authority CEO at President Vince Dizon at kinatawan ng Department of Health ang Philippine Arena para masilip ang conversion ng lugar.

Sabi ni Padilla, kayang mag-accommodate ng Philippine Arena ng nasa 2,000 pasyente.

May 3 quarantine tents aniya na hiwalay para sa mga asymptomatic o mga COVID-19 positive patients na walang mga sintomas.

Tatanggap ang facility na ito ng mga pasyente mula sa Quezon City, Caloocan, Malabon, Novotas, Bulacan at Valenzuela.

Ang paghahanda ng quarantine facilities ay mahalaga aniya sa para magawa ang target ng gobyerno na mabawasan sa lalong madaling panahon ang pagkalat ng virus.

Bukod sa mga pasilidad, sinasabay rin aniya ng National Task Force ang mga hakbang para maitaas ang testing capacity ng RITM at iba pang accredited laboratories, pagsaayos sa COVID referral hospitals at pamimigay ng PPEs sa health workers at iba pang frontliners.

Samantala, muli naman nanawagan ng kooperasyon ang national task force sa publiko, lalo na pagdating sa proper hygiene at hindi paglabas ng bahay.

Mahalaga rin aniya ang papel ng local government units para sa pagtitiyak na hindi kakalat ang virus sa kumunidad.

Aniya, ilan sa best practices ay makikita sa Baguio City sa pamununo aniya ni Mayor Benjamin Magalong.

Sabi ni Padilla, mabuti ang ipinatutupad sa Baguio na mass testing, epektibong istilo ng contact tracing, transparency at maayos na komunikasyon sa kanilang nasasakupan.