‘Miss ka na ng mga bata': Lalaki, hinahanap ang kinakasamang may sintomas gaya ng sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 04:09 PM | Updated as of Apr 08 2020 11:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Hindi mapanatag ang loob ng isang lalaki nitong Miyerkules dahil wala pa rin silang balita mula sa kaniyang kinakasama na aniya'y nagkaroon ng sintomas tulad ng mga nagkasakit ng coronavirus disease 2019.

“Sa huling pag-uusap namin (nung March 20), sabi niya pauwi na raw siya. Yung kasamahan niya na pina-check sa ospital, negative daw yung naging resulta. Until ngayon, nag-wait kami, kahit text man lang o tawag, wala na kaming na-receive sa kaniya,” pahayag ni Edwin Petalver sa panayam sa kanya nitong Miyerkules ng DZMM.
 
Ayon kay Petalver, na taga-Mayamot, Antipolo City, ang kinasasamang si Rosalie Odon, 33-anyos, ay nagtatrabaho sa isang call center sa Ortigas Avenue.

“Last text niya, March 25. Sabi, uuwi na daw siya. Nagtanong-tanong na lang ako sa mga kapatid niya kung nag-text sa kanila. Hindi naman daw po, wala rin daw silang balita,” kuwento ni Petalver.

Nakapatay na raw ang cellphone nito.

Walang ID si Odon dahil kolorum umano ang pinapasukang call center nito, kaya hindi rin tukoy ni Petalver kung saan ang opisina nito.

Sa kanilang pag-uusap, sinabi umano ni Odon na nilalagnat na siya at wala na rin ganang kumain. Halos lahat din ng kaniyang mga kasamahan ay may sakit na.

“Sabi niya, may sintomas daw po siya. Nilalagnat po daw siya. Hindi raw sila pinapauwi dahil naka-quarantine sila. ‘Di ko na siya ma-contact. Nag-aalala na kami bakit ganun nangyari,” sabi niya.

Wala rin daw itong ganang kumain, ayon sa huli nilang pag-uusap.

Hindi rin niya alam kung may nagmo-monitor sa kalagayan ni Odon at mga kasamahan nito.

Hiling niya na mag text o tumawag man lang ang kanyang kinakasama, nang mapawi na ang kanilang pag-aalala.

“Rose, kung nasaan ka man, sana mag text ka, tumawag ka. Miss na miss ka na ng mga bata, pati namin. Hinahanap ka ng mga kapatid mo, kapatid ko. Hindi namin alam kung anong nangyari sa iyo,” panawagan ni Petalver.

Dagdag niya na maging ang anak na karga niya habang kinakapanayam siya, ay hinahanap-hanap sa gabi ang ina.

“Itong anak mo, tawag ng tawag sa iyo sa gabi, minsan nananaginip. Sabihin mo lang kung okay ka ba o ano ba. Mag-text ka, magparamdam ka, kasi maraming nag-aalala sa iyo,” pakiusap ni Petalver.

Nitong Miyerkoles ng gabi, sinabi ni Petalver sa ABS-CBN News na nagkausap na silang magkasintahan. Kasalukuyan umano itong namamalagi sa sleeping area ng kanilang opisina at maayos na ang lagay.

Dagdag pa umano ni Odon, agad itong uuwi kapag sigurado na siya sa kondisyon ng kaniyang kalusugan.