PatrolPH

LGUs pinagpapasa ng ordinansa vs pangungutya sa COVID-19 patients, frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 03:53 PM | Updated as of Apr 08 2020 10:15 PM

Watch more on iWantTFC

Kasong kriminal ang maaaring kaharapin ng mga mahuhuling manlalait, mananakot, magpapalayas o mamimisikal sa mga frontliner na nakikipaglaban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila, batay sa resolusyon ng mga mayor sa rehiyon. 

Ayon sa resolution no. 20-08, Series of 2020 ng Metro Manila Council, kinakailangan nang bumalangkas ng ordinansa ang lahat ng lungsod na nagpaparusa sa mga mangungutya o mananakit sa mga frontliner o kaya ay sa mga positibo sa COVID-19. 

Kasunod ito ng mga napapaulat na insidente kung saan may mga namimisikal o kaya nangungutya sa mga health worker o pasyenteng nakikipaglaban sa nasabing sakit. 

Halimbawa rito ang ilang insidente kung saan may mga pinapalayas sa mga inuupahang condo at boarding house, maging ang ilang insidente sa social media kung saan may mga nanlalait sa mga pasyenteng under investigation o under monitoring sa sakit. 

Nakadepende sa mga lokal na pamahalaan kung paano babalangkasin ang mga ordinansa, ani MMDA General Manager Jojo Garcia—na noon ding nagpositibo rin sa virus. 

May mga nauna nang magpatupad ng anti-discrimination ordinance gaya ng Maynila at ng Muntinlupa. 

Sa Maynila, pagkakakulong nang 1 hanggang 30 araw at P5,000 multa ang maaaring kaharapin sa mga mangungutya ng mga frontliner. 

Pareho ang multa sa Muntinlupa. Pero aabutin nang 6 buwan ang pagkakakulong sakaling mambastos, manghiya, at mang-harrass sa COVID-19 frontliners, patients, patients under investigation at persons under monitoring. Bawal din tanggihan ang pagbibigay ng serbisyo sa mga ito. 

Paglabag din sa ordinansa ang mga tututol o manghaharang sa mga lugar na maaaring pagdalhan sa mga COVID cases ng komunidad. 

Kapag na-discriminate, ipinapayong lumapit sa lokal na pamahalaan para magreklamo. 

Patong-patong na kasong libel, slander, physical injuries ang kasong maaaring harapin ng mga irereklamo. 

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.