Higit 7,000 delegado sa mga kompetisyon ng DepEd, 'cleared' sa COVID-19

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 04:41 AM

MAYNILA -- Walang nakitang sintomas ng novel coronavirus sa mahigit 7,000 estudyante at guro na naging delegado sa dalawang pambansang kompetisyon ng Department of Education (DepEd) na ginanap sa Region II nitong Marso. 

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na na-clear na ang mga naturang lumahok sa 2020 National Schools Press Conference o NSPC at National Festival of Talents o NFOT matapos ang labing-apat (14) na araw na precautionary quarantine period. 

"We are happy to report that 7,074 delegates of NFOT and NSPC have all cleared their precautionary quarantine without any symptom having developed," sabi ng pahayag. 

Sabay na ginanap ang NSPC sa Tuguegarao City, Cagayan at ang NFOT sa Ilagan City, Isabela noong Marso 9 hanggang 13. 

Matatandaang sinuspinde noong Pebrero ang NSPC at NFOT dahil sa banta ng COVID-19 pero pinayagang ituloy ulit noong Marso 

Hindi na rin kinansela ang dalawang kompetisyon pero inalis na ang mga malakihang pagtitipon gaya ng opening program at awarding. 

Ayon sa DepEd, nakatulong sa resulta ng quarantine ang mga naging patakaran para maiwasan ang pagkalat ng impeksyon noong panahon ng kompetisyon at pag-uwi ng mga delegado. 

"On the whole, it is reasonable to say that we have, overall, cleared the NSPC/NFOT critical monitoring period, and the heightened precautionary measures we have taken during the event, their travel and after arrival to their homes have yielded the outcomes we wanted to achieve," sabi ng pahayag. 

Pero ayon sa DepEd, patuloy silang nagmo-monitor sa lagay ng maliit na bilang ng mga delegado na tinuturing pang persons under investigation. 

Inoobserbahan, ginagamot o naghihintay ng medical clearance ang mga ito pero hindi pa sinasailalim sa pagsusuri para sa COVID-19. 

Matatandaang nagpositibo sa COVID-19 ang isang DepEd supervisor mula Mandaluyong na dumalo sa parehong kompetisyon. 

Ayon sa DepEd, nagpapagaling na siya pero hindi pa nakalabas ng ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.