Facebook group binuo para makatulong sa street vendors

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 02:06 PM

Isang guro mula Davao City ang bumuo ng isang Facebook group na layong makakalap ng mga donasyon para sa mga street vendor.

Kabilang ang mga street vendor sa mga sektor na labis na naapektuhan matapos magpatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon, kung saan mahigpit na ipinag-uutos ang pananatili ng maraming tao sa loob ng kanilang bahay para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Amalia Lin Cabangbang, noong una ay gusto lamang niyang matulungan ang mga nagtitinda sa Roxas Night Market pero lumaki na ang page na "PasokMgaSuki" at umabot sa puntong mga street vendor sa iba't ibang panig ng bansa ang natutulungan.

"Originally, gusto lang po namin street vendors from Roxas Night Market but then nakita namin na palaki siya nang palaki," ani Cabangbang sa panayam ng ABS-CBN News.

"Gusto namin sila (vendors) ma-reach, matulungan... without having much contact to people and we thought of this," dagdag niya.

Puwedeng mag-post sa group ang mga humihingi ng tulong para sa vendors at maaaring ipadaan ang donasyon sa GCash, bangko, o sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga administrator ng group.

Isa sa mga natulungan ng mga miyembro ng grupo si Hermeniheldo Lisondra, isang 81 anyos na popcorn vendor sa Roxas Night Market.

Ayon sa pamangkin ni Lisondra na si Mark Harvey Basalo, nakatanggap ng cash donation ang kanilang pamilya na ginamit nila pambili sa gamot ng vendor para sa sakit nito sa puso.

"Nagpapasalamat kami sa kanila kasi natulungan nila ang aking tiyuhin," ani Basalo.

Mula nang itatag ang page noong Sabado, umabot na sa 371 street vendors sa buong bansa ang natulungan.

-- Ulat ni Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.