Enhanced community quarantine sa Bacolod City, pinalawig hanggang Abril 30

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 11:01 PM

BACOLOD CITY - Hanggang katapusan na ng Abril ang umiiral na enhanced community quarantine sa Bacolod City sa gitna ng banta ng COVID-19.

Nitong Miyerkoles, pinirmahan ni Mayor Evelio Leonardia ang Executive Order No. 29 na nagpapalawig sa ECQ period hanggang Abril 30, mula sa nakatakdang pagtatapos sana nito sa Abril 14.

Humingi rin ng pag-intindi si Leonardia sa kaniyang mga kababayan at sinabing para rin sa kapakanan ng nakararami ang pagpapalawig ng ECQ.

Base sa datos ng lokal na pamahalaan ng Bacolod, umabot na sa 162 ang mga pasyenteng kinuhanan ng sample para sa COVID-19 testing. Pito sa kanila ang nagpositibo, habang 99 ang nagnegatibo sa sakit.

Nasa 56 pa ang hinihintay ang resulta ng kanilang test. May isa na ring namatay dahil sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.