Motorists and passengers fill out health declaration forms for contact tracing at a checkpoint along Kennon Road, Baguio City. Orange Omengan, ABS-CBN News
BAGUIO CITY (UPDATE)- Sampung araw nang walang naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Baguio City.
Nitong Martes, dalawa pang COVID-19 patients sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang pinauwi matapos gumaling sa sakit.
Sa kabuuan, pito na ang gumaling sa COVID-19 sa lungsod, o kalahati ng 14 kaso ng COVID-19 sa Baguio City.
Marso 29 pa nang huling madagdagan ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Nauna nang sinabi ng City Health Office na naging epektibo ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine dito.
"Seemingly our ECQ is effective in Baguio City. Our contact tracing has improved and it’s efficient. So ibig sabihin nata-track lahat ng contacts ng mga positive na ito. So hindi tayo nagkakaroon ng transmission...Napakaganda diba because we were able to contain it within Baguio City," paliwanag ni Dr. Rowena Galpo, City Health Officer ng Baguio City.
Lima sa mga kaso ang pumayag na magpakilala para sa mabilis na contact tracing. Gumamit din ang Baguio ng artificial intelligence analyzer para makita agad sa CT scan kung may viral infection ang isang pasyente para agad masimulan ang contact tracing bago pa lumabas ang resulta ng swab test.
Pero kasalukuyang itinigil muna ang paggamit nito dahil 24 oras na lamang ang hihintayin sa ginagawang testing ng BGHMC.
Sa pagpapatupad ng ECQ, ibinida ng Baguio City Police Office ang pagiging disiplinado ng mga residente.
"Unang-una, mabilis kausap. Pangalawa po ay since April 2 until today, wala naman po tayong nahuli ng violation ng curfew or violation ng provisions ng enhanced community quarantine. Kita naman po natin they are very amiable at napaka-cooperative ng mga kababayan po natin when they are being checked ng ating mga patrollers, ng ating mga checkpoints," ani Police Colonel Allen Rae Co, city director ng Baguio City Police.
Gayunpaman, masyado pa umanong maaga para sabihing napagtagumpayan nang labanan ang COVID-19.
"Hindi pa rin kasi we have to wait at least for two incubation periods actually to see kung wala nang papasok pero ang magiging challenge is when to lift the lockdown. Kaya sana before ma-lift yung lockdown, magawa yung mass testing," paliwanag ni Dr. Amelita Pangilinan, regional director ng Department of Health - Cordillera Administrative Region.
Sa buong rehiyon, may 4 na lalawigan pang walang kumpirmadong kaso ng COVID-19. Kabilang dito ang Ifugao, Mountain Province, Kalinga, at Apayao, bagama't may mga patients under investigation sa mga nasabing lugar.
"That was in February. They set up at the major entry points of the city where all buses from all places pass by. And this is the entry point of Kalinga also...Nasasala ang mga taong pumapasok," paliwanag ni Dr. Bernadette Andaya, Development Management Officer ng Kalinga.
Sa Conner District Hospital sa Apayao, ginawang hiwalay na consultation area para sa mga PUI ang playground. Ang doktor na nakatalaga rito, hindi na sumusuri ng ibang pasyente bilang pag-iingat.
Hindi na rin pinapapunta sa ospital ang mga hindi naman malala ang sakit at kailangan lamang magpakonsulta.
"So may mga barangay patrol po na sila po yung pumupunta kasama po yung bantay na pwedeng magpickup po ng gamot nila," paliwanag ni Dr. Michelle Ann Torado ng Conner District Hospital.
Sa buong Cordillera, umabot na sa 496 ang sumailalim sa COVID-19 testing. Sa bilang na ito, 458 ang nagnegatibo.
Baguio City, DOH, Cordillera Administrative Region, CAR, coronavirus, COVID-19, coronavirus Baguio update, COVID, coronavirus disease Baguio, COVID-19 Baguio update, TV Patrol, Michelle Soriano