Babae sugatan nang ikulong ng asawa sa nasusunog na bahay sa Negros Occ.

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 10:42 PM

Sugatan ang isang babae matapos itong ikulong ng asawa sa loob ng kanilang bahay na kanya ring sinunog Lunes ng gabi, sa Negros Occidental.

Ayon sa pulisya, nakainom ng alak ang 60 anyos na lalaking suspek nang mangyari ang insidente sa Barangay Bulata, bayan ng Cauayan.

Ikinandado niya ang kaniyang asawa sa loob ng kanilang bahay bago nito sunugin ang kanilang tirahan.

Masuwerteng nakalabas ng bahay ang babae na, ayon sa pulisya, ay dumaan sa bubong.

Nagtamo siya ng second degree burns sa kaniyang mga kamay at paa at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Bago pa mangyari ang insidente, nag-away ang mag-asawa at pumagitan sa kanila ang kapitbahay na si Jay-R Bernardo. Pero tinaga rin ng suspek si Bernardo.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa police station at haharap sa kasong serious physical injuries.

Hinihintay pa ng pulisya kung magsasampa ng kaso ang babaeng asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.