5 sugatan sa pagbulusok ng SUV sa tindahan sa Laguna

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2019 09:53 AM | Updated as of Apr 08 2019 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(REPLACE UKG REPORT WITH JERVIS MANAHAN'S TVP REPORT)

LILIW, Laguna--Lima ang sugatan sa pagbulusok ng isang sports utility vehicle sa isang tindahan ng manok sa bayan na ito, Linggo ng gabi. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad ang ilang tao sa isang kanto sa Barangay Rizal nang biglang dumausdos ang SUV. 

Nabangga nito ang isang motorsiklo at rider nito, habang tumilapon naman ang 2 babae dahil sa lakas ng impact. 

Nasapul din ang isang ginang at kaniyang 13-taong gulang na lalaking anak na pumailalim pa sa sasakyan. 

"Parang may sumabog sa gulong... May malakas na usok," ayon sa nakakita sa insidente na si Jas Monfero. 

Nag-atras abante pa ang SUV bago nakababa ang driver nito. Natamaan sa pag-atras ang 3 tricycle sa malapit na paradahan doon.

Sumugod ang mga tao na nanonood ng liga malapit sa pinangyarihan ng aksidente kaya agad nadala sa ospital ang mga biktima.

May mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 2 babaeng tumilapon, pero pinalabas din ng ospital kinagabihan, samantalang nasa ospital pa rin ang sugatang mag-ina at kailangang i-CT scan. 

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng SUV. Aniya, nawalan ng preno ang sasakyan at hindi umano huminto kahit naka-hand brake na. 

Galing sa birthday party ang driver, pero itinanggi niyang lasing siya. 

Sinagot ng driver ang lahat ng gastusing medikal ng mga biktima, at nangakong babayaran ang pagpapagawa sa nasira sa nabanggang tindahan at tricycle. 

Ayon sa pulisya, hindi na magsasampa ng kaso ang mga nasugatan at posibleng makipag-areglo na lang. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.