Lalaki sugatan sa hit-and-run sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 08:37 AM

MANILA - Malubhang nasugatan ang isang lalaki sa isang insidente ng hit-and-run habang tumatawid sa Lawton Avenue sa Maynila, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang biktima nasi Ferdinand Gerardo batay sa kanyang ID.

Ayon kay Jefrey Esmiro na nakakita sa insidente, pauwi na siya at nakasakay sa isang UV express nang mapansin niyang tumatawid ang biktima, bandang 12:30 a.m.

Bigla raw dumaan ang isang puting SUV na may plakang WHV 798.

Mabilis umano ang takbo ng SUV at nabangga nito nito ang tumatawid na biktima.

Naabutan pa ng media nakahandusay sa kalsada ang lalaki. Ayon pa kay Esmiro, halos isang oras sila naghintay bago dumating ang emergency response unit.

Isinugod na sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng lunas.

Naialarma na rin ng mga pulis ang puting SUV na may plakang WHV 798.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.