Kalahating kilo ng marijuana nasamsam sa Siargao

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 01:49 PM

GENERAL LUNA, Surigao del Norte - Nakumpiska ng mga awtoridad ang kalahating kilo ng marijuana sa umano'y drug den sa bayang ito sa probinsya ng Surigao del Norte, Sabado ng gabi.

Naaresto sa naturang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang British national na si alyas Liam at kaniyang kasamahang si alyas Kitoy, kapwa high-value targets na nagpapatakbo umano sa drug den.

Pinoposasan ng mga awtoridad si alyas Liam, Bristish national na isa sa 2 nagpapatakbo umano ng sinalakay na drug den. ABS-CBN News

Dinampot din ng PDEA ang isang barangay kagawad at isa pang lalaki na natiyempuhan sa tinutuluyan ng 2 suspek.

Aabot sa P12,500 ang street value ng drogang nakumpiska sa mga target.

Nakuha rin sa lugar ang isang bong pipe na may residue pa ng marijuana, gayundin ang isang glass jar at improvised pipe.

Nakabalot ang droga sa diyaryo at nakasilid sa puting plastic bag. ABS-CBN News
Makikita sa larawang ito ang mga drug paraphernalia na nakuha mula sa mga suspek. ABS-CBN News

Itinuturing ng PDEA na malaking tagumpay o isang high-impact operation ang pagkakahuli ng mga suspek sa islang dinarayo ng mga turista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.