Lalaki sugatan matapos tambangan sa Maynila

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2022 08:47 PM

MANILA - Tinambangan ng mga hindi pa kilalang salarin ang isang lalaki Huwebes ng hapon sa Maynila. 

Ayon kay PBGen. Leo Francisco, District Director ng Manila Police District, nakasakay ng SUV sina Kim Lok Sy at Dexter Tan papuntang Pasay nang mangyari ang pananambang. 

Dinala sa Manila Medical Center si Sy matapos ang insidente.

“Si Mr. Sy ay tinamaan sa kanyang kaliwang kamay at stable naman ngayon sa isang ospital,” kwento ni Francisco.

Wala namang natamong pinsala si Tan. 

Ayon kay Francisco, hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang naging dahilan para tambangan ang dalawang lalaki. 

Nagsasagawa na ng dragnet operation ang mga awtoridad para mahuli ang mga salarin. 

“Itong dalawang suspek na ito na nakasakay sa dalawang motorsiklo, at meron na ring kaming mga identification ng mga motorsiklo ay pinag-hahanap na rin,” sabi ni Francisco. 

“Meron namang mga CCTV footage along Taft Avenue at iyan ang isa sa mga gagawing hakbangin ng mga kapulisan."