Mga abogado dapat maging mapagmatiyag kasunod ng mga banta, karahasan sa hanay nila

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2021 09:50 PM

MAYNILA - Hinimok ngayong Miyerkoles nina dating Vice President Jejomar Binay at Atty. Theodore Te ang mga abogado na maging mapagmatiyag dahil sa dumarami raw na bilang ng insidente ng karahasan sa hanay nila.

Sa isinagawang forum ng UP Portia Alumnae Association at UP Portia Sorority, sinabi ni Te, dating spokesperson ng Korte Suprema, na dapat idokumento ang mga nararanasang panggigipit at karahasan at tiyaking mapananagot ang mga nasa likod nito. 

Dagdag ni Te, ang Korte Suprema dapat ang manguna sa pagprotekta sa mga abugado at miyembro ng Hudikatura. 

Matatandaang noong Marso, kinondena ng SC ang mga naturang banta at harassment sa mga ito, at naglabas din ng hakbang para maresolba ang mga isyu.

“The state has the responsibility and the duty to protect lawyers, to protect citizens, and lawyers are included. But may specific, siguro may specific role ang Korte Suprema bilang pinuno, bilang head of the third branch of government,” ani Te. 

“Because we also want an independent judiciary and independent practice of the profession, we also want the Supreme Court [to] also exercise its duty and responsibility,” dagdag niya. 

PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC

Nagbigay rin si Te ng mga rekomendasyon upang maprotektahan ang mga abogado. 

Kabilang dito ang paghimok sa Korte Suprema na protektahan ang kanilang hanay; pagtulong ng mga abogado sa korte sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ideya at konsepto, at pag-monitor sa mga nagaganap na profiling at red tagging; at pagpapanagot sa mga nasa likod ng karahasan. 

Ayon naman kay Binay na isa ring abogado, kailangan ng kolektibong pagkilos sa hanay ng mga abogado upang maprotektahan ang demokrasya at karapatang pantao. 

Kailangan din daw na maging matapang sila lalo para sa kapakanan ng bawat Pilipino. 

“Anumang pangamba, ating harapin nang buong tapang, ating susuungin. Lawyers who turn a blind eye towards abuse and injustice do not deserve... of our profession,” aniya. 

“Mahirap siyang gawin. Maraming sakripisyo ang kailangan. Pero sa dulo, alam natin lahat, bilang mga manananggol, na kailangan natin ng kolektibong pagkilos upang maprotektahan ang ating demokrasya at ang karapatan ng bawat Pilipino.”

Hinimok din ng dating opisyal ang mga abogadong nagtatrabaho sa mga pulitiko na i-monitor ang mga binubuong panukala ng mga pinagsisilbihang opisyal ng gobyerno.

Iginiit ni Te na dapat magkaroon ng dayalogo sa mga kasamahan na sumusuporta sa culture of impunity o kawalan ng mga napaparusahan. 

Base sa datos ng Free Legal Assistance Group, umaabot na sa 61 na abogado at hukom ang napapatay simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang posisyon. 

Ilang abugado at hukom na rin ang na-redtag ngayong taon lamang. 

- Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News