Grade 11 student na nagpanggap na abugado at recruiter, timbog sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2021 08:06 PM

BUHI, Camarines Sur — Timbog sa entrapment operation ng pulisya noong Martes ang isang 19 anyos at Grade 11 na lalaki sa Sitio Tawagan, Barangay Sagrada dahil sa umano'y pangloloko at "illegal recruitment."

Ayon sa pulisya, nagpapanggap na abogado at empleyado ng Social Security System (SSS) ang suspek at nanghihingi ng pera sa mga biktima, kapalit daw ang mas madaling proseso sa pagkuha ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card.

Pinangakuan rin umano nito ang ilang biktima na ipapasok bilang encoder ng SSS.

Umabot sa 18 ang nabiktima ng suspek, karamihan ay mga kabataang naghahanap ng mapapasukang trabaho at ilang senior citizens na nagpatulong naman na makagawa ng ATM cards para sa pensyon nila sa Government Social Insurance System (GSIS) o SSS.

Narekober sa suspek ang P500 entrapment money, sari-saring ID, ATM cards, at mga resibo.

Nakakulong na sa Buhi Municipal Police Station ang suspek na kinasuhan na ng illegal recruitment at swindling.

–Ulat ni Jonathan Magistrado 

RELATED VIDEO 

Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.