PatrolPH

ALAMIN: Bakit walang public address si Duterte ngayong linggo

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2021 08:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Walang aasahang talumpati mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo sa gitna ng lumalalang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

"The Palace confirms that President Rodrigo Roa Duterte will not have a Talk To the People Address tonight, April 7, 2021, in light of the rising number of active COVID-19 cases. The physical safety of the President remains our utmost concern," paliwanag ng Palasyo.

Sabi pa ni Presidential Spokesman Harry Roque, "next week na" ang susunod na talumpati ng Pangulo. 

Karaniwang ginagawa tuwing Lunes ang "Talk To the People Address" ni Duterte kung saan isinasapubliko ang mga update sa pandemya at tugon ng pamahalaan dito. 

Marso 29 pa huling nagpakita sa publiko ang Pangulo, kung kailan nagsimula ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.

Ayon kay dating Special Assistant to the President at ngayo’y Sen. Bong Go, kailangang ilayo sa banta ng coronavirus ang Pangulo matapos magpositibo sa sakit ang ilang myembro ng kanyang Presidential Security Group (PSG) at maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa pahayag ni PSG Commander Jesus Durante III, umabot umano sa 126 ang miyembro nilang nagka-COVID-19 kamakailan, pero wala daw silang direktang kontak sa Pangulo. Sa 126, nasa 45 na lang daw ang aktibong kaso. 

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nabuking ang lihim na pagbabakuna sa PSG members, na ikinatwiran nilang para sa kapakanan umano ni Duterte. 

—Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.