PatrolPH

Lockdown sa Soccsksargen pinalawig hanggang Abril 30

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 06:19 PM

GENERAL SANTOS CITY - Hanggang katapusan na ng buwan ang umiiral na lockdown sa Soccsksargen region sa gitna ng banta ng COVID-19.

Nitong Martes, inanunsiyo ni Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu, ang chairman ng Regional Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases sa Region 12, na pinalawig din ang lockdown sa buong rehiyon hanggang Abril 30.

Marso 23 nagsimula ang lockdown o enhanced community quarantine sa Region 12.

Nauna nang inanusiyo ng national government ang pagpapalawig ng lockdown sa Luzon hanggang sa kaparehong na petsa. 

Matapos ang anunsiyo ng Malacañang ay agad nagpulong ang Regional IATF at nagdesisyong sasabayan nila ang pagtatapos ng ECQ sa Luzon.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng Palasyo na hindi kailangang mag-extend ng lockdown sa Visayas at Mindanao.

Ayon sa Regional IATF, mas mabibigyang panahon ng extension ang mga eksperto na tutukan ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.

Malilimitahan din nito ang galaw ng mga tao sa bawat lugar, at dahil dito maiiwasan ang pagkalat ng virus sa buong rehiyon.

- Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.