‘Pantawid ng Pag-ibig’: Bible verses nakapaskil sa relief packs para sa mga taga-Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 06:56 PM | Updated as of Apr 07 2020 09:19 PM

May kalakip na mga Bible verse na pampalakas ng loob ng mga makatatanggap ng relief packs sa Muntinlupa, at mayroon din itong COVID-19 hotline para sa mga taong makakaramdam ng sintomas ng sakit. ABS-CBN News

MAYNILA - Dalawang linggo nang hindi nakakapasada ang 49 anyos na tricycle driver na si Samson Teleb, na may 5 anak. 

Kahit pa man naghahanapbuhay ang panganay, tingin niya hindi sasapat ang naipon para sa enhanced community quarantine, na aabutin hanggang Abril 30. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sabi ko kailangan kumita pa rin ako, kasi ako ang padre de pamilya eh. Napakahirap kasi alanganin sa pamilya tapos magbabayad pa sa ilaw sa kuryente," ani Teleb. 

Sa kabutihang palad, kabilang ang grupo nina Teleb sa mga benepisyaryo ng "Tulong Panghanapbuhay ng DOLE sa mga Displaced Workers" program, na nagbibigay sa kaniya ng pansamantalang trabaho habang nakatigil muna ang pamamasada. Bagay ito na ikinatuwa ng tsuper. 

"Sigurado na kasi na may makukuha kami kahit papaano araw-araw,” paliwanag ni Teleb. 

Sa sports complex ng Muntinlupa nagtatrabaho sina Teleb. Inaabot ng 4 oras kada araw ang kaniyang trabaho; at sa loob ng 10 araw, susuweldo sila sa pagre-repack ng relief goods para sa mga ka-lugar. 

Ang relief packs—na naglalaman ng mga donasyon ng iba’t ibang grupo kabilang na ang “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN— inilalagay sa isang kahon. 

Galing sa “Pantawid ng Pag-Ibig” ang bigas, habang may laman din itong mga delata, asukal, kape, pansit at panluto. 

May kalakip din itong mga Bible verse na pampalakas ng loob ng mga makatatanggap, at mayroon din itong COVID-19 hotline para sa mga taong makakaramdam ng sintomas ng sakit. 

Mga tauhan ng Vice Mayor’s office ang naghahanda ng mga kahong paglalagyan. 

Mga empleyado naman ng security ofice ang nagsusupot at nagsasalansan ng bigas at pagkain mula sa mga donasyon papunta sa mga kahon na ibibigay sa mga residente. 

Nakahanda ang mga e-tricycle ng lungsod para ihatid ang mga relief packs sa mismong araw ng pagre-repack, ayon kay Christian Navarro, pinuno ng Inspection and Consumer Welfare Division ng Lungsod. 

Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na sinusundan nila ang mga protocol ng DOH gaya ng pag-check ng thermometer, physical distancing, at paggamit ng face masks. 

Nasa 6,000 relief packs ang natatapos araw-araw at mahigit 70 porsiyento na ng pamilya sa Muntinlupa ang hinatiran na ng relief packs. 

Malaking bagay sa lokal na pamahalaan ang pagpapamahagi ng mga donasyon. 

“Sa mga volunteers, donors, at sa lahat ng tumutulong, ito po ang pagkakataon na nakikita natin ang pagtutulungan ng Pilipino ay nagsu-survive tayo. Maraming salamat po sa inyo,” ani Muntinlupa mayor Jaime Fresnedi. 

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Food Inc.
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.