Mga unibersidad posibleng magbawas ng mga trabahador: CHED chief

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 03:09 PM | Updated as of Apr 07 2020 07:57 PM

Watch more in iWantTFC

Posibleng magbawas ng mga empleyado ang mga unibersidad sakaling malugi ang mga ito bunsod ng coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Martes ng tagapamuno ng Commission on Higher Education (CHED).

Posibleng bumaba ang bilang ng mga nag-e-enroll sa mga unibersidad matapos magdulot ng class suspension, pagpapahinto ng pagbabayad ng matrikula, at kawalan ng trabaho ang COVID-19, ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera.

Dahil dito, maaaring magbawas ng mga tauhan ang mga institusyon, lalo iyong maliliit at pribadong unibersidad.

"The small ones, especially in the provinces, they may have to lay off faculty. Their operations will be affected," sabi ni De Vera.

"The bigger ones may be able to counter it... They have other sources of income," ani De Vera.

Kalahati ng 1,700 pribadong unibersidad at mga kolehiyo sa bansa ang itinuturing na maliliit na institusyon.

Maaari ring mapilitan ang mga paaralan na magtaas ng matrikula, ayon kay De Vera.

Itinigil ang pagpasok sa mga paaralan matapos isailalim sa lockdown ang buong Luzon hanggang Abril 30 para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

May mga paaralan namang nagsasagawa ng online classes para maituloy ang mga klase. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.