PatrolPH

Mga nakapiit sa Metro Manila District Jail gumawa ng face shields

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 04:01 PM

Mga nakapiit sa Metro Manila District Jail gumawa ng face shields 1
Gumawa ng face shields ang mga nakapiit sa Metro Manila District Jail sa Taguig. Video mula sa Metro Manila District Jail Annex

Maghapon at magdamag na nakabantay sa isang checkpoint ang mga pulis sa Bacoor City, Cavite para matiyak na naipatutupad ang enhanced community quarantine.

Gaya ng ibang frontliner, hindi sila ligtas sa panganib ng coronavirus disease (COVID-19), lalo at iba't ibang tao ang kanilang nakakasalamuha.

Pero naibsan ang pangamba ng mga pulis nang dumating ang mga face shield mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na mismong ginawa ng mga nakapiit sa Metro Manila District Jail (MMDJ).

Para sa mga person deprived of liberty (PDL), ang pagbuo ng mga face shield ang kanilang maliit na ambag sa bayan para masugpo ang pagkalat ng COVID-19.

"Mas okay na po ito, may pinagkakaabalahan na kami, nakatutulong pa kami," sabi ng isang PDL.

"Napanood po namin sa TV nangyayari sa labas kaya imbes na magmukmok kami at maburyo, nagsama-sama kami para gumawa ng face shield," anang isa pang PDL.

Bukod sa mga pulis-Bacoor, binigyan din ng face shield ang ilang ospital at iba pang checkpoint frontliner, ayon kay Jail Chief Inspector Lino Soriano ng MMDJ Annex.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang operasyon ng pulis-Bacoor laban sa mga lumalabag ng mga patakaran ng quarantine. Kasama sa mga inaresto ang mga nag-iinuman at nagsusugal.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.