PatrolPH

Libreng sakay alok sa cancer patients na magpapa-chemotherapy

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 01:17 PM | Updated as of Apr 08 2020 10:36 PM

Watch more on iWantTFC

Matapos suspendehin ang pampublikong transportasyon sa Luzon bilang bahagi ng enhanced community quarantine, isang grupo ang nag-aalok ng libreng sakay para sa mga cancer patient sa Metro Manila na kailangang pumunta sa mga ospital para sumailalim sa chemotherapy.

Ayon sa grupong Cancer Coalition Philippines, kailangan lang makipag-ugnayan sa kanila ng cancer patient sa pamamagitan ng kanilang Facebook page para ma-avail ang carpool service.

Libreng sakay alok sa cancer patients na magpapa-chemotherapy 1
Poster mula sa Cancer Coalition Philippines

Ibibigay lamang ng pasyente sa grupo ang kaniyang address, medical history, at chemotherapy session details, sabi ng naturang grupo.

Pinaalala ng grupo sa mga pasyente na kumpirmahin muna sa mga ospital ang chemotherapy session, lalo at limitado ang pasilidad ng ibang ospital bunsod ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Josephine Tolentino, medical oncology section chief sa isang ospital sa Pasig, bumaba ang bilang ng mga outpatient para sa chemotherapy nang masuspende ang pampublikong transportasyon.

May mga pasyente ring nagpahayag ng pangamba sa pagpunta sa mga ospital dahil sa COVID-19 pero tiniyak ni Tolentino na puspusan ang paglilinis sa mga pasilidad.

Isinailalim sa lockdown ang Luzon hanggang Abril 30 para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Umabot na sa 3,660 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.