Ilang jeepney drivers nanlilimos na lang habang walang pasada dahil sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nitong Martes ay kinumpirma ng gobyernong palalawigin pa ang lockdown ng Luzon hanggang katapusan ng Abril, kaya maraming trabahador ang hindi na malaman kung papaano pa maitatawid ang pang-araw-araw na kabuhayan. 

Isa sa pinakasapul na sektor ng pinalawig pa na enhanced community quarantine ay ang mga tsuper, partikular na ang jeepney drivers. 

Higit 2 dekada nang driver ng jeep si alyas "Paking" pero ngayon lang daw niya naranasan na manghingi ng limos sa mga dumadaan dahil hindi na niya alam paano mairaraos ang araw-araw habang walang pasada. 

"Ayuda? Wala pa po kaming nakukuhang ayuda. Pero di kami nagwawala o nagagalit o ano. Talaga siguro matagal pa dahil madami nang lugar na nagkaganito. Alam naman namin na may proseso pero wala pa," aniya. 

Nasa 200 daw silang driver sa Tandang Sora na nahinto sa pamamasada mula nang ipagbawal ang pagbiyahe ng pampublikong transportasyon.

Naiintindihan daw nila ito dahil para ito sa kaligtasan ng marami pero nahihirapan na raw sila.

Ayon naman sa LTFRB, nakahanda na ang ayuda para sa mga tsuper. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, ayon sa tinderang si Josie Glorioso ay sumadsad na ang benta niya ng plastic wares mula nang ipatupad ang lockdown. 

Giit niya, tila hindi na niya kakayanin pa kung ma-extend ang lockdown sa Luzon, na dapat sana ay hanggang Abril 12 na lang.

"Hindi na po yata eh. Kasi nga po wala nang gaanong namimili, saka matumal na, siguro ubos na 'yung pera nila, paisa-isa na lang. Kaya ano, nganga. Hindi pantawid pag-ibig, pantawid gutom," aniya. 

Ganito rin ang sentimyento ni Evelyn Belen na hirap maibiyahe ang kaniyang mga panindang gulay dahil walang public transportation. 

"Kagaya sa amin na walang sasakyan, nag-aabang kami rito ng darating na may mga karga na gulay, 'yun naman po ang sasakyan namin papuntang Divisoria, pero puro checkpoint po ang inaabot namin," aniya. 

Gayunpaman, alam daw nilang ito ay para sa ikabubuti ng marami kaya susubukan nilang makaraos. —Ulat nina Jacque Manabat at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.