Antibodies mula sa dugo ng COVID-19 survivors posibleng panlunas sa sakit

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 08:55 PM | Updated as of Apr 07 2020 10:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nananawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga COVID-19 survivor na mag-donate ng kanilang dugo upang makuhanan ng antibodies, na maaaring makatulong sa mga hindi pa gumagaling o kritikal dahil sa naturang sakit. 

Kukuhanin kasi mula sa kanilang dugo ang plasma na naglalaman ng antibodies.

"Ang mga pasyente po na naka-recover sa COVID-19 ay meron pong antibody sa kanilang plasma. 'Yung antibodies po na 'yun ay puwedeng gamitin, ita-transfuse po sa mga pasyente na merong sakit," ani PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario.

"Kapag nakakuha ka ng antibodies eh 'yun ang panglaban mo sa virus. Mabu-boost ang inyong immune system para malabanan ang virus," dagdag niya.

Umabot na sa mahigit 80 pasyente ang nakakarekober ngayon sa COVID-19 sa Pilipinas.

Ang donor ay dapat na naging positibo sa COVID-19 pero gumaling at negatibo na sa sakit. Kailangan ding 2 linggo nang nagpagaling at lumakas ang katawan ng donor.

Dapat ay wala nang sintomas ng sakit at wala rin iba pang sakit tulad ng hepatitis, HIV, o malaria.

"In the future ang plano po namin ay gamitin ang plasma na ito hindi lang sa mga pasyenteng nahihirapan na or severe 'yung disease kundi even those 'yung mga mild pa lang ang sintomas," sabi ni Del Rosario. 

Maaaring gamitin ng hanggang tatlo o apat na tao ang antibodies na makukuha mula sa isang donor.

Sa ngayon ay may 40 volunteer na at kasalukuyang isinasailalim na sa screening ang kanilang dugo.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.