Ano nga ba ang sitwasyon sa Boracay sa gitna ng COVID-19 pandemic?

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 11:53 PM | Updated as of Apr 08 2020 12:04 AM

Humanap ng ibang pagkakakitaan ang mga residente ng Boracay, dahil sa kawalan ng mga turista dala ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa lugar.

Dahil din sa ECQ, kasalukuyang off limits ang beachfront ng Boracay para sa mga gustong lumangoy. Mahigpit din ang pagpapatupad ng quarantine sa mga turistang nagpaiwan sa isla.

Kung dati ay halos mapuno ang beach front dahil Holy Week, ngayon ay halos walang tao sa lugar. May mga banderitas ding inilagay ang awtoridad sa beach front na nangangahulugang bawal munang maligo sa dagat.

Kapansin-pansin din na kahit walang turista ay may green algae na karaniwang tanawin sa ilang bahagi ng beach front basta panahon ng tag-init.

Ayon kay Sangguniang Bayan member Nenette Graf, may tulong na pinaaabot sa mga residente. Pero ang iba ay nangingisda pa rin matapos payagan ng Philippine Coast Guard lalo na kung low tide.

Dahil sa quarantine, tinulungan naman ng Department of Tourism Boracay ang mga turista para makalabas ng isla.

Noong Marso, mga Russian tourist ang pinakahuling naproseso para makabalik. Pero may iilan pa rin na naiwan dahil sa kanilang kagustuhan.

Ayon kay Graf, habang nasa isla kailangan din ng mga ito na sumunod sa ECQ.

"Mayroon pa ring natira, pero ayaw pa nilang umuwi sa kanilang bansa, kasi nga mahirap daw kung bumalik sila at hindi nila alam ang sitwasyon sa kanilang lugar," aniya.

Isang pumpboat ang bumabiyahe nang balikan sa umaga, ang isa naman sa hapon para magdala ng mga importanteng pangangailangan ng mga residente sa isla.

Habang sa gabi, puspusan naman ang ginawagang pag-disinfect ng mga kalsada sa mga barangay ng Manoc-manoc, Balabag at Yapak.

Tulong-tulong na ang mga tanod, bombero at mga volunteer sa paglilinis.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Malay, wala silang patients under investigation habang may limang persons under monitoring ang naturang bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.