PatrolPH

139,000 formal workers naabutan na ng cash aid: Labor dep't

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 04:36 PM | Updated as of Apr 07 2020 08:00 PM

(UPDATE) Daan-libong manggagawa na ang naabutan ng tulong matapos maapektuhan ng Luzon lockdown -- na ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) -- ang kanilang mga hanapbuhay, ayon sa opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Base sa tala noong Lunes, umabot na sa 139,003 regular at non-regular formal workers na naapektuhan ng enhanced community quarantine ang nakinabang sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

Sa ilalim ng CAMP, makatatanggap ang formal workers ng one-time P5,000 cash aid.

Samantala, umabot naman sa 78,338 manggagawa sa informal sector ang nakatanggap ng tulong mula sa DOLE.

Sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD), pagtatrabahuhin ang mga mapipiling informal worker sa disinfection at sanitation sa loob ng 10 araw. Makatatanggap sila ng minimum wage.

Sa tala ng DOLE noong Abril 6, umabot na sa 714,864 ang kabuuang bilang ng mga manggagawang apektado ng lockdown.

Watch more on iWantTFC

TULONG, DAPAT EXTENDED DIN

Samantala, patuloy na isinusulong ng labor groups at Makabayan bloc ang panawagan nilang taasan ang cash aid sa mga apektadong manggagawa sa P10,000.

Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines, malaking tulong kapag itinaas sa P10,000 ang tulong pinansiyal lalo at pinalawig ang lockdown sa Luzon mula Abril 12 hanggang Abril 30.

"Malaking lifeline ang P10,000 assistance sa apektadong mga manggagawa, lalo na ngayong extended pa ang lockdown," sabi ni Tanjusay sa pahayag.

Nanawagan din ang Defend Jobs Philippines na palawigin din ang tulong sa mga manggagawa at mahihirap na Pilipino.

"The extension of the enhanced community quarantine until April 30, 2020 must mean extended government aid for all Filipino workers and poor Filipinos," sabi ng grupo.

Panukala naman ng grupong Sentro ang pagtitiyak na may mapagkukuhanan pa rin ng kita ang mga manggagawa.

"An incoming guarantee should provide the minimum wage for all workers - including those in the informal economy and the unemployed," sabi ni Sentro Spokesperson Josua Mata.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, maraming maaaring mapagkuhanan ng pondo ang gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng mga tao sa gitna ng lockdown.

Ayon sa Bayan Muna, hindi pondo kundi sa plano kinukulang ngayon ang pamahalaan, partikular sa kung paano mas mabilis na maihahatid ang ayuda sa mga mamamayan.

Inanunsiyo rin ngayong Martes ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na makatatanggap ng P5 bilyon dagdag-pondo ang DOLE para matulungan ang mga apektadong manggagawa. -- Ulat nina Zen Hernandez at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.