Suspek arestado sa pagpatay sa construction worker, bata

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2019 07:09 PM | Updated as of Apr 07 2019 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong gabi ng Sabado ang suspek sa pagpatay sa isang construction worker at kasama nitong bata sa Caloocan City.

Ipinresenta ng pulisya nitong Linggo si Aldrin Torres na dawit sa pagkamatay ni Jaylord Cajuban, 23, at isang 7 anyos na lalaki.

Natutulog noong madaling araw ng Sabado sa loob ng covered court sa Bagong Silang, North Caloocan ang mga biktima nang mangyari ang pamamaril.

Isang testigo ang lumapit sa pulisya at nagsabing namukhaan niya ang suspek kaya agad itong natunton, ani Police Col. Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police.

Ayon kay Torres, napikon siya kay Cajuban na umano ay nagnakaw ng baterya ng kaniyang traysikel.

"Halos gabi-gabi niya pong ginagawa 'yon kapag wala po siyang pang-shabu," ani Torres.

Humingi naman ng tawad ang suspek sa pamilya ng batang biktima na nadamay lang daw sa kaniyang galit.

Pinaghahanap na ng pulisya ang umano ay pinagrentahan ng baril ng suspek.

Mahaharap si Torres sa kasong 2 counts of murder. -- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.