Kandidato sa pagka-bokal sa Tarlac, nanapak ng election officer

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2019 07:37 PM | Updated as of Apr 08 2019 09:09 AM

CAMILING, Tarlac -- Arestado ang isang kandidato sa pagka-bokal sa unang distrito ng Camiling, Tarlac matapos umanong manapak ng isang election officer sa nasabing bayan nitong Sabado.

Kinilala ang kandidato na si Atty. Marty Torralba, 29 anyos.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa election officer na si Teddy Mariano, alas-11 ng umaga nang biglang sumugod sa kanilang opisina si Torralba at bigla na lamang umano siyang sinapak sa kaliwang pisngi.

Pinagbantaan din umano ni Torralba si Mariano at pinagsalitaan nang masama.

Ayon kay Mariano, kabilang ang mga campaign materials ni Torralba sa mga binaklas at tinanggal ng Commission on Elections sa isinagawa nilang Oplan Baklas.

Nakaimprenta sa pribadong bakod ang campaign slogan ni Torralba at lumabag ito sa maximum material size na 2 x 3 feet para sa mga individual posters, 12 x 16 feet para sa political parties, at 4 x 6 feet para sa mga independent candidate.

Binura ng Comelec at pinatungan din ng puting pintura ang nasabing campaign slogan.

Dagdag pa ni Mariano, hindi lang ang illegal campaign materials ng inirereklamong kandidato ang kanilang binaklas, maging ang ilang posters at paraphernalia ng ibang mga kandidato.

Inamin naman ni Torralba ang pananapak kay Mariano, pero giit niya, ginawa niya iyon dahil hindi umano naging patas sina Mariano sa ginawang pagbabaklas. Hindi rin umano sila nabigyan ng abiso na kabilang ang kanilang mga slogan/poster sa mga matatanggal.

Handa rin umano siyang harapin ang kaso na isasampa sa kaniya.

Nagbigay na rin ng pahayag ang Comelec Employees Union sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page, kung saan kinondena nila ang nangyaring pambabastos kay Mariano.

Sa kaniya namang mga post sa Twitter, pinayuhan ni Commissioner Rowena Guanzon si Torralba na pagsisihan ang kaniyang ginawa dahil maaari itong mawalan ng lisensiya bilang isang abogado.

Kinondena rin niya ang nangyaring pananapak kay Mariano, at sinabing magiging kaaway rin siya ng kung sino mang tututol sa Oplan Baklas ng Comelec.

Ngayong Lunes, Abril 8, pormal na magsasampa ng kaso sa Prosecutor's Office si Mariano laban kay Torralba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.