Pinay, asawang German, patay sa pamamaril sa Antipolo

Fred Cipres at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2019 07:57 AM | Updated as of Apr 07 2019 02:07 PM

MAYNILA (UPDATE) — Napatay ang isang Pinay at ang asawa niyang German matapos pagbabarilin ang sinasakyan nilang SUV sa Antipolo City noong hapon ng Sabado, ayon sa pulisya.

Kinilala ng Antipolo police ang mga biktimang bilang si Remedios Kauth, 47, at Konrad Heinrich Wilhelm Kauth, 57.

Pauwi ng kanilang bahay sa Golden Hills Subdivision ang mag-asawa nang pagbabarilin ang sinasakyan nilang SUV bandang alas-2:40 ng hapon, ayon sa ulat ng pulisya.

Mga nakamotorsiklong salarin ang bumaril sa mga biktima, ayon sa pulisya.

Sampung putok ng baril ang narinig ng isang residenteng nasa isang bahay malapit sa pinangyarihan.

Matapos paputukan ang mga biktiman, tinamaan ng SUV ang gilid ng isang nakaparadang van at inararo ang isang motorsiklo, ayon sa testigo.

Gusot sa lupa ang isa sa mga posibleng motibo dahil sa posisyon ni Remedios bilang board secretary sa Golden Hills Village Association, ayon sa Antipolo police.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga namaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.