PatrolPH

Duterte dumepensa sa ulat ng 'lumalagong yaman'

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2019 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

Dumepensa si Pangulong Rodrigo Duterte sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na kumukuwestiyon sa paglago ng yaman niya at kaniyang 2 anak habang nakapuwesto sa gobyerno.

Sa isang talumpati noong Sabado, sinabi ni Duterte na may yaman siya dahil sa ina.

"Hoy, 'yong mga dilaw, all the time I was with my mother, maski nung mayor na ako, ang nagpapakain sa 'kin nanay ko," sabi ni Duterte.

"Ang nanay ko nag-iwan ng pera sa 'kin, pero kung magkano bakit ko sabihin sa inyo?" anang pangulo.

"For the longest time I was living with my mother, libre lahat, pati mura," aniya.

Sa ulat ng PCIJ, ipinakita ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga Duterte.

Sa loob ng 10 taon mula 2007, halos nag-triple ang yaman ng pangulo na pumalo sa P28.54 milyon.

Higit triple naman ang net worth ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at higit anim na doble ang kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Ito ay kahit mababa ang pasahod sa gobyerno at hindi halos gumalaw ang kita nila sa mga kompanyang kinabibilangan nila.

Ayon pa sa ulat, hindi lahat ng detalye ng ari-arian ay nasa SALN ng pangulo.

Sinagot din ni Duterte ang isa pang ulat ng PCIJ kaugnay ng hindi rehistradong law firm ng anak niya at ilang negosyo ng mga Duterte na wala sa SALN.

"'Yong mag-advertise kami sa pangalan namin, well, there's nothing wrong as long as you do not practice and you do not help people get something from government that is illegal," ani Duterte.

"'Yan ang tingnan nila, hindi 'yang mga law office namin and what happened to our business partnership," dagdag niya.

Binanatan din ng pangulo ang PCIJ.

"Makita mo 'yang utak ng mga investigative journalism, pera-pera lang," aniya.

Sa Twitter, sumagot ang PCIJ at sinabing karapatan ng bawat mamamayan na malaman ang SALN ng bawat opisyal ng pamahalaan.

Iginiit din ng PCIJ na "public office is a public trust."

Nagpadala anila sila ng 2 sulat sa nakaraang 5 buwan kina Pangulong Duterte, Sara at Paolo para hingin ang kanilang komento.

Tiniyak ng pangulo sa publiko na hindi niya pinakikialaman ang pera ng taumbayan.

Sinabi rin ng pangulo na may masisibak na namang mga opisyal.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.