Tangkang pambobomba sa Maguindanao, nasawata; 2 suspek timbog

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 10:12 AM | Updated as of Jan 19 2019 10:51 AM

Baril at granada ang nasamsam sa dalawa sa apat na lalaking nahuli ng awtoridad na nagtangka umanong bombahin ang terminal fee ticket booth sa Barangay Poblacion sa Shariff Aguak, Maguindanao, Abril 6, 2018. Jasper Acosta, ABS-CBN News

SHARIFF AGUAK, Maguindanao - Napigilan ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), militar at pulisya ang tangkang pambobomba sa Barangay Poblacion dito, Biyernes ng gabi.

Sa report mula sa 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army, nagroronda ang mga miyembro ng BPAT nang mamataan nila ang apat na kahina-hinalang lalaki sa loob ng ticket booth para sa terminal fee sa gilid ng National Highway.

Nang lapitan ng BPAT, agad na tumakas ang dalawa sa apat na lalaki sakay ng motorsiklo. Ang dalawang naiwan na sina Esmail Upam at Boy Kamid ay naaresto sa tulong ng mga sundalo at pulis.

Nasamsam sa kanila ang isang kalibre .45 na baril, isang granada, at bala ng 60MM mortar na ginawang improvised explosive device.

Ayon kay 6th ID spokesperson Capt. Arvin Encinas, posibleng miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang mga suspek na nagbabalak maghasik ng kaharasan sa lalawigan ng Maguindanao.

Pero sa panayam ng ABS-CBN News sa tagapagsalita ng BIFF Karyalan faction na si Abu Amir, inaalam pa nila kung lehitimong miyembro ng grupo ang mga naarestong lalaki.

Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Shariff Aguak Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.