SOCO: Bata sa Tondo, namatay dahil sa pangingikil, pananakit ng notoryus na grupo

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 03:40 PM | Updated as of Apr 07 2018 03:48 PM

 

Sa kabila ng murang edad, nagsilbing katuwang na si "Leo" ng kaniyang pamilya sa paghahanapbuhay.

“Pag nakapamili po ako sa fish port ng isang timbang isda, pinagkakasya ho namin ‘yun. Dinadaing ko, ‘yung iba tinitinapa ko. Katulong siya,” kuwento ng lola nito. 

“Maski matatanda sa palengke, kinagigiliwan siya dahil matulungin.”

Hiwalay ang mga magulang ni Leo, kaya ang lola na ang nag-aruga sa kaniya at sa dalawa nitong kapatid.

“Iniwan na sila, pinabayaan na sila. Parang nag-iba na ‘yung [kasama] ng mama nila. Iniwan na rin sila sa akin,” ayon sa lola nito. “Ako na po nagpaaral sa kanila.”

Maayos man ang pag-uugali ni Leo, batid ng lola nito na pinag-iinteresan ng isang notoryus na grupo ng kabataan ang kaniyang apo.

“'Pag uuwi naman siya, aabangan siya sa eskinita. Hihingan siya ng pera. Minsan para huwag na siyang masaktan, binibigyan na niya,” kuwento ng lola. 

Pero noong Nobyembre 13, 2015, sa ospital na dinatnan ng lola nito si Leo na malubha ang kalagayan dahil sa mga tinamong saksak at tama ng bala sa katawan.

“Unti-unti na akong bumabagsak. Hindi ko na malaman kung anong mararamdaman ko... Ang sakit. Hindi ko maipaliwanag kasi mahal na mahal ko ‘yung bata na ‘yun dahil ako ang [nagpalaki] eh,” kuwento ng lola nito.

Matapos ang walong araw, binawian ng buhay si Leo. Gayunpaman, nakapagbigay ito ng sinumpaang salaysay tungkol sa insidente.

“Nakuha po natin lahat ‘yung mga personal circumstances and identification ng apat na suspek,” ayon kay Manila Police District Station 1 chief Supt. Jay Dimaandal.

“Kinatatakutan na po ito sa kanilang lugar. Kilala ho sila na ganoon ang trabaho nila na robbery-holdup.”

Sino nga ba ang mga salarin? Sundan ang imbestigasyon sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook at Twitter.
--Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News