Pagpapasara sa Boracay, labag ba sa kalayaan sa paglalakbay?

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 06:03 PM | Updated as of Jan 21 2019 11:29 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagama't ipasasara ang isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan simula Abril 26, hindi umano nito nilalabag ang karapatan ng isang tao sa malayang paglalakbay na nakasaad mismo sa Konstitusyon, ayon sa isang abogado.

"Kung ito ang pag-uusapan natin, 'yung tungkol sa Boracay issue, wala akong nakikita na naba-violate na right to travel," sinabi ng abogadong si Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM.

"Bakit? Kasi 'yung mga balak na pumunta sa Boracay, at let's say isinara nga, dahil kailangang i-rehabilitate, they are still free to go anywhere, hindi lang do'n, hindi lang sa lugar na 'yon, may freedom ka pa rin of movement," dagdag ni Castro.

Ayon pa sa abogado, may "police power" din ang estado na nagbibigay karapatan dito na magpatupad ng batas para sa ikabubuti ng mga ordinaryong tao.

"Sa nangyayari dito, dahil ire-rehabilitate, kailangan na talagang maayos kasi parang lumalala 'yung sitwasyon, ito naman ay para sa ikagaganda at ikabubuti rin ng mga susunod na henerasyon," ani Castro.

Wala ring nakikitang ibang problemang legal ang abogado tungkol sa pagpapasara sa isla.

"Actually, wala ring maba-violate, let's say ikaw 'yung may-ari ng hotel, in-order sa'yo ng gobyerno na isara mo muna, on your part, wala kang penalty, wala ka ring fault na puwedeng sabihin nung turista na nag-book sa'yo na manghihingi ng damages, so no it's not your fault," sabi ni Castro.

Samantala, nangako naman ang gobyerno na magbibigay ng mga trabaho sa mga apektadong residente sa isla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.