Kotse nabagsakan ng 1 toneladang kahoy sa EDSA Balintawak

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 05:02 PM | Updated as of Jan 20 2019 07:46 AM

Yupi ang bubong ng kotse at basag ang mga salamin nito matapos matabunan ng nasa isang toneladang kahoy sa EDSA Balintawak, Sabado. ABS-CBN News

MAYNILA - Nabagsakan ng nasa isang toneladang kahoy ang isang kotse sa EDSA Balintawak nitong Sabado.

Sugat lamang sa kamay ang tinamo ng driver na si John Tuazon habang ni hindi nagalusan ang kasama nito na si Charles Jayson Uy.

Tumabon sa kanilang sasakyan ang napakaraming tabla matapos mawalan ng kontrol ang isang 14-wheeler truck na may lulan dito. 

Ayon sa driver ng truck na si Elpidio Evangelista, sinadya niyang ibangga ang truck sa poste ng LRT sa traffic island upang walang madamay.

Ngunit tiyempo naman na dumaan ang sasakyan ng mga biktima, dahilan para matabunan ng kargang kahoy. 

Nayupi at nabasag ang mga salamin ng kotse. Agad namang yumuko ang mga biktima at mabilis na lumabas ng sasakyan.

Agad na dinala sa Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District ang driver ng naaksidenteng truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.