5 kabataang dawit sa 'Forever Summer' tragedy, nahatulang guilty

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 12:53 AM | Updated as of Jan 18 2019 06:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Guilty ang naging hatol ng korte sa limang kabataan na inaresto ng National Bureau of Investigation na nagbenta umano ng droga sa "Forever Summer" concert sa Pasay noong 2016, kung saan lima ang namatay. 

Sa desisyon ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Judge Danilo Suarez nitong Biyernes, habambuhay na pagkakulong ang hatol kina Marc David Deen at Seergeoh Villanueva dahil sa pagbebenta ng droga.
    
Illegal possession of drugs at paraphernalia naman para sa buong grupo kabilang sina Erika Valbuena, Thomas Halili, at Martin Dimacali.     
    
Noong Mayo 2016 nang arestuhin sila ng NBI sa isang entrapment operation kung saan nahulihan sila ng cocaine, ecstasy, ketamine, marijuana at iba pang droga.

Ngunit iginiit ng mga nahatulan na inosente sila.
 
"They are victims... They should be given a chance," sabi ng kaanak ng isa sa mga nahatulan.
    
Balak ng grupo na iapela ang kaso sa Court of Appeals.

"They are all set up, and their constitutional rights were violated," sabi ni Atty. Felisberto Verano, Jr., abogado ng mga suspek.
    
Bukod sa pagkakakulong, pinagmumulta rin ang mga hinatulan.

Ikinatuwa ng NBI ang desisyon lalo’t noong isang araw lang ay nahatulan din ang inaresto nilang Dutch national na si Martin de Fong na nahulihan ng P15 milyong pisong halaga ng party drugs.
    
Hinala nila, konektado din ito sa drogang kumalat sa music festival.

Patuloy naman ang pagdinig ng korte sa kasong criminal negligence na isinampa ng NBI laban sa mga organizer ng naturang music festival. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.