2 DSWD center magbibigay ayuda sa mga residenteng maaapektuhan ng pagsasara ng Boracay

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2018 05:49 PM | Updated as of Jan 20 2019 08:56 AM

BORACAY ISLAND - Magbubukas ng 2 operation center ang Department of Social Welfare and Development dito sa isla simula sa Abril 26 upang pangasiwaan ang pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng mawawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa nakatakdang pagsasara sa isla.

Kabilang sa mga programang aayusin ng operation center para sa mga lokal ang sustainable livelihood program, cash for work program, Pantawid Pamilyang Pilipino Program at supplementary feeding program.

Inaasahan din na regular na magbibigay ng update ang center ukol sa kalagayan ng mga residente ng isla at kung ano ang magiging epekto ng pagsasara sa Boracay sa kabuhayan at kalagayan ng mga naninirahan dito.

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalan ang mga turista na pumunta sa isla sa loob ng 6 na buwan simula sa Abril 26 upang maisaayos ang lagay ng kalikasan at tubig dito.

Lumabas sa ilang inspeksyon at pag-aaral na karamihan sa mga resort at hotel sa Boracay ay nagtatapon ng maruming tubig sa karagatang nakapalibot sa isla.

Inaasahan ng pamahalaan na aabot sa 36,000 na mga lokal ang mawawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara ng Boracay.

- ulat mula kay Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News