ATHENS - Aktibong nakilahok ang pitong bansa sa Asya sa kauna-unahang ASEAN Plus Bazaar sa pangunguna ng ASEAN Committee in Athens o ACAT. Ito’y sa pakikipagtulungan ng Greek charity organization na Friends of the Child.
Naging kakaiba ito sa nakaraang ASEAN events, dahil bukod sa pagpapakilala ng ASEAN region sa Greek community, layon din nitong makatulong sa ibang organisasyon sa Athens.
“Napagkasunduan namin na i-promote ang region natin, yung ASEAN region na magkaroon ng bazaar, intended for the benefit of Friends of the Child para ipakilala ang ASEAN,” sabi ni Ambassador Giovanni Palec, PH Embassy sa Greece.
“We organized ASEAN Plus Bazaar to promote economic and trade relations between ASEAN Plus countries and Greece, more specifically to introduce products, cuisine, and culture of ASEAN Plus countries to the Greek people,” sabi ni Ambassador Le Hong Troung,Vietnamese Ambassador to Greece.
Sa ASEAN Plus Bazaar, ipinakilala rin ang mayamang kultura ng iba-ibang bansa sa pamamagitan ng sayaw. Ibinida ng Pilipinas ang mga tradisyunal na sayaw na Polka sa Nayon, Tiklos at Sayaw sa Bangko. At may bonus pang song number mula sa Pinoy X-Factor Greece 2019 finalist na si Anthony Kier Carbonel.
Tampok din ang ipinagmamalaking mga produkto at pagkain mula Indonesia, Thailand, China, Japan, Malaysia, vietnam, at Pilipinas.
Naniniwala si Regional Council of Attica Chairman Georgios Dimopoulos na ang magandang relasyon ng ASEAN Plus at ng Greece ay pundasyon para mapalawig pa ang mga programa at pamumuhunan sa pagitan ng mga bansa.
“In this direction, we plan to create a business council with selected ASEAN, European, and African also countries in cooperation with their embassies to facilitate entrepreneurship, investment, and innovation in these countries of course, and Greece,” sabi ni Dimopoulos.
Umaasa ang ACAT na magiging taunan ang pagdaraos ng ASEAN Plus Bazaar para mapasigla pa ang pagtutulungan ng ASEAN Plus countries at ng Greece.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Greece, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.