PatrolPH

Tricycle driver sa Tagum City nagsauli ng cash, tsekeng P20 milyon

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2021 08:45 PM

Tricycle driver sa Tagum City nagsauli ng cash, tsekeng P20 milyon 1
Ayon kay Geraldine Canlas ng Apokon Elementary School, bumaba umano sa isang bangko sa Pioneer Avenue sa Tagum City ang pasahero at naiwan ang bag nito. Retrato mula kay Geraldine Canlas

 

TAGUM CITY, Davao del Norte — Isinauli ng isang tricycle driver ang bag na naiwan ng kaniyang pasahero noong isang linggo, na may lamang mga pera at tseke na nagkakahalaga ng P20 milyon. 

Kinilala ang honest driver na si Sofio Alo Jr.

Dahil sa katapatan, pinarangalan ng Apokon Elementary School si Alo sa ilalim ng We Advocate Time Consciousness and Honesty (WATCH) program nito. 

Ayon kay Geraldine Canlas ng Apokon Elementary School, bumaba umano sa isang bangko sa Pioneer Avenue sa Tagum City ang pasahero at naiwan ang bag nito.

"Magdeposito sana ng mga tseke at pera sa bangko [ang pasahero]. Siguro sa dami ng kanyang dala, naiwan niya ang bag," ani Canlas.

Habang naghahanap umano ng pasahero, napansin ng driver ang bag na puno ng pera at tseke.

Hindi kinumpirma ni Canlas kung empleyado nila ang nakaiwan ng pera at tseke. 

Laking pasasalamat ng may-ari ng bag at binigyan nito ang matapat na tricycle driver ng P1,000 at leche flan.

Binigyan din si Alo ng parangal ng paaralan, isang kahon ng face mask, face shield, school supplies at hand sanitizer.

—Ulat ni Hernel Tocmo 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.