PatrolPH

Electronics store sa CamSur nilooban, higit P500K ng mga gadget natangay

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2021 12:41 PM

Electronics store sa CamSur nilooban, higit P500K ng mga gadget natangay 1
Sinimot ng kawatan ang mga laptop at cellphone na nakalagay sa display cabinet ng tindahan. Larawan mula kay Police Senior Master Sergeant Allan Azuela, Pili Municipal Police Station

PILI, Camarines Sur - Inabot ng mahigit kalahating milyong piso ang halaga ng mga mamahaling cellphone at laptop na natangay mula sa isang gadget store sa Barangay San Vicente ng nasabing bayan.

Ayon sa 26 anyos na salesman na nakadiskubre sa panloloob noong Abril 5 ng umaga, karamihan sa nawalang gadget ay nakalagay sa display cabinet nila at aabutin ng P553,000 ang kabuuang halaga.

Ayon naman sa may-ari ng shop, pinagdiskitahan rin ng kawatan ang steel vault nila na walang laman.

Sa imbestigasyon, napasok ng kawatan ang tindahan sa pamamagitan ng pagputol sa steel shackle na nakakabit sa kandado ng roll-up door nito.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Pili Municipal Police sa insidente na nangyari umano noong maghahatinggabi ng Easter Sunday. 

- Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.