PatrolPH

Ilang Pinoy sanib-puwersa sa paghatid-sundo sa frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 08:23 PM | Updated as of Apr 07 2020 12:27 AM

MAYNILA — Kahit may mga libreng shuttle na nagdadala sa mga health worker sa mga ospital, marami pa ring frontliners ang napipilitang maglakad sa gitna ng Luzon lockdown kontra pagkalat ng COVID-19.

Kaya ang ilang ordinaryong mamamayan ay nagsanib-puwersa para maghatid-sundo ng mga frontliner. 

Isa si Deo Onda sa mga volunteer driver na ito.

"Isa akong marine scientist. Kung walang pandemic, 'yun ang trabaho ko. Pumasok ng eskuwelahan, magturo, mag-research. Pero ngayong pandemic, ako muna ay isang driver. Isang proud driver. Serving those who serve in the frontlines," ani Onda. 

Alam niya ang hirap na dinaranas ng kaniyang mga sakay dahil madalas niya silang makakuwentuhan sa biyahe.

Kuwento ng isang nurse na naisakay ni Onda, madalas silang walang pahinga. 

"May kilala akong gumigising nang 2 oras, 3 oras bago 'yung duty kasi maglalakad pa daw siya nang isang oras. Imbes na itulog mo na lang," sabi ni Onda.

Maraming hinahatid ang grupo ni Onda sa umaga. Naghahatid rin sila ng mga may sakit na kailangang regular na magpagamot pero walang masakyan.

Ipagpapatuloy ni Onda ang paglilingkod hanggang kaya pa ng kaniyang bulsa at katawan. —Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.