Bilang ng COVID-19 cases sa PH umakyat sa 3,660

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 05:38 PM | Updated as of Apr 06 2020 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Umabot na sa 3,660 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na may coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas matapos makapgtala ng 414 bagong kaso, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).

Ito ang pangalawa sa pinakamaraming bagong kaso naiuulat sa loob ng isang araw. Noong Marso 31 naitala ang pinakamarami, na nasa 538.

Umakyat naman sa 73 ang bilang ng mga gumagaling matapos iulat ng DOH ang 9 na bagong paggaling, ayon sa DOH, habang nadagdagan ng 11 ang namatay sa sakit para sa kabuuang 163.

Samantala, sa nalalapit na pagbubukas ng 3 community quarantine facility, patuloy na nanawagan ang DOH sa mga local government unit na maghanap ng espasyo para sa sariling community quarantine facility.

Ito ay para hindi mahalo ang mga hinihinalang kaso sa mga may sakit sa ospital na maaaring makapagpalala ng kanilang mga nararamdaman.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagaman mas marami na ang naite-test ngayon dahil sa pinataas na kapasidad ng testing laboratories, masyado pang maaga para kanilang masabi na bumaba na ang curve o trend ng mga kaso ng COVID-19.

Kaya hinikayat ni Vergeire ang publiko na patuloy na manatili sa kanilang mga bahay at magsagawa ng physical distancing.

LOCKDOWN EXTENSION?

Pagdating naman sa posibilidad na paigtingin ang enhanced community quarantine sa Luzon, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sa ngayon ay wala pang pinal na rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease.

Mahirap pa rin magbigay ng rekomendasyon lalo at patuloy pa ring gumagalaw ang mga numero ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon kay Duque.

Ipinaliwanag naman ni Vergeire na may 2 factors na kailangang tingnan ang DOH para makapagrekomenda kung palalawigin o tatapusin na ang Luzon lockdown -- ang bilang ng mga kaso at kapasidad ng health care system na tugunan ang mga kaso ng COVID-19.

Isinailalim ang Luzon sa lockdown hanggang Abril 12 para mapabagal at mapatigil ang pagkalat ng sakit. Kaniya-kaniyang pagpapatupad din ng mga patakaran ang mga pamahalaang lokal sa Visayas at Mindanao.

Nitong Lunes, umabot na sa higit 1.2 milyon sa buong mundo ang nahawahan ng SARS-CoV2, ang virus na sinasabing nagmula sa China at nagdudulot ng malapulmonyang COVID-19. Nasa higit 260,000 naman ang gumaling habang halos 70,000 ang namatay. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.