Anim sa 11 na namatay sa COVID-19 sa Davao region, may koneksyon sa ginanap na derby

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 09:59 PM | Updated as of Apr 07 2020 12:39 AM

DAVAO CITY (UPDATED) — Kinumpirma nitong Lunes ng isang medical officer ng Department of Health Region XI na humigit kumulang anim sa 11 namatay sa rehiyon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay may koneksyon sa isang derby na isinagawa sa Matina Gallera nitong Marso.

"As of tonight, sabihin na six lang out of 11... Ang meron lang kukunting connection, kumbaga, six, more or less," ani Dr. Cleo Fe Tabada sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News.

Base sa pinakahuling tala, meron nang 80 kaso ng COVID-19 sa rehiyon, kabilang ang 11 na nagresulta sa pagkamatay ng mga pasyente, at 22 na gumaling.

Sa 80 kaso, 65 ang nasa Davao City.

Sa inilabas na pahayag ng Davao Center for Health Development Lunes ng gabi, 23 sa 80 nagpositibo sa sakit ay may exposure sa Matina Gallera, 19 ang may travel history sa Maynila, anim ang may travel history sa iba pang lugar, at 16 ang na-expose sa mga taong COVID-19 positive. Inaalam pa ang paraan ng pagkahawa sa natitirang 16.

Sa isang virtual presser na pinamunuan ng Philippine Information Agency - Davao Region, sinabi ni Tabada na may naunang 427 silang na-trace na may koneksyon sa ginanap na derby nitong nakaraang buwan.

Sa 427 na na-trace, 139 ay mula sa Davao City, 127 ay mula sa Davao del Sur, 90 mula sa Davao Oriental, 19 mula sa Davao del Norte, 5 mula sa Davao de Oro, 1 mula sa Davao Occidental at 46 mula sa iba pang rehiyon. 

Nilinaw naman ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na walang nilabag na batas ang pagsasagawa ng derby sa Matina Gallera dahil kumpleto umano ang papeles nito.

Pero giit niya, pupwede pa sana itong napatigil.

Sa inilabas niyang pahayag ukol sa imbestigasyon sa naturang derby, nakasaad ang sumusunod na timeline:

Peb. 4, 2020 — Inaprubahan ng Sanguniang Panglungsod ang request para sa derby sa mga sumusunod na araw: March 7, 10 at 12.

Marso 3, 2020 — Nag-issue ng permit ang Business Permit and Licensing Division ng lungsod para dito.

Marso 8, 2020 — Naglabas ng guidelines ang Davao City na i-postpone ang mga pribadong aktibidad sa lungsod para maiwasan ang mga mass gatherings.

Marso 12, 2020 — Inutusan ni Mayor Duterte-Carpio ang Davao City Police na ipasara ang lahat ng mga sabungan matapos nitong malaman ang tungkol sa derby.

Pero Marso 9 pa lang, nagdeklara na ang gobyerno ng state of public health emergency sa buong Pilipinas. Ibig sabihin, may dalawang araw pang nangyaring derby matapos ang proklamasyon.

Ayon kay Mayor Duterte-Carpio, nag-resign na ang head ng Business Permit and Licensing Division ng City Hall.

“Duna gyud sila'y papers. But however, nakita nako nga there were instances that the division chief of the Business Permit and Licensing could have stopped the conduct of the derby. Katong sa March 3, because duna na may direction nga ipa-postpone ang private events. These were instances that the chief could have prevented the situation from escalating. It was a judgment call but that was never made,” aniya sa panayam sa Davao City Disaster Radio.

(They had the papers. But, however, there were instances that the division chief of the Business Permit and Licensing could have stopped the conduct of the derby, like on March 3, because there was already a direction towards postponing private events. These were instances that the chief could have prevented the situation from escalating. It was a judgment call but that was never made.)

Ayon rin sa alkalde, nawa’y magsilbi itong leksyon para sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na unahin ang kapakanan ng mga publiko sa anumang desisyon.

Samantala, umabot na sa 475 ang kabuuang bilang ng mga PUIs sa rehiyon, bagaman 82 na lang ang tinututukan sa kasalukuyan matapos mabawian ng buhay ang 12 dahil sa "comorbid factors" tulad ng cancer at ulcer," at ma-discharge ang 381.

Ang bilang naman ng persons under monitoring (PUMs) sa buong rehiyon ay umabot na sa 15,782. Pero, 5,517 na lamang ang binabantayan sa kasalukuyan dahil cleared na ang 10,265.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.