PatrolPH

Naabong bangkay natagpuan sa bakanteng lote sa Dasmariñas City

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 03:49 PM

Naabong bangkay natagpuan sa bakanteng lote sa Dasmariñas City 1
Isang naabong bangkay ang natagpuan sa isang lote sa Dasmariñas City. Hindi na ito makilala dahil sinunog umano gamit ang mga gulong ng sasakyan. Retrato mula kay Police Lt. Col. Nerwin Ricohermoso

MAYNILA — Isang sunog na sunog at halos abo nang bangkay ang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Dasmariñas City, Cavite noong Huwebes. 

Ayon kay Police Lt. Col. Nerwin Ricohermoso, hepe ng Dasmariñas City police, hindi na makilala ang bangkay na sinunog gamit ang mga gulong ng sasakyan.

Natagpuan ito sa isang madamong bahagi ng bakanteng lote sa Pulo, Barangay Salawag, malapit sa boundary ng San Pedro City, Laguna.

Bangkay ng ex-Halili aide?

Ayon sa awtoridad, ipinasuri nila ito sa kapatid ni Allan Fajardo, ang dinukot na dating tauhan ng pinaslang na Tanauan City mayor Antonio Halili.

Pero ayon kay Ricohermoso, hindi umano ito si Fajardo ayon sa kaniyang kapatid.

Nasa 5'8 hanggang 5'9 ang taas ng bangkay habang 5'2 lamang daw si Fajardo, dagdag ng pulis.

Matatandaang noong Miyerkoles ay dinukot si Fajardo kasama ang kaniyang bodyguard na si Ricky Atienza sa isang hotel sa Santa Rosa City, Laguna.

Pinag-aaralan pa ng pulis ang motibo sa likod ng pandurukot.


—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.