Mga mamimili naghahanda na sa nakaambang pagkawala ng NFA rice

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 07:39 PM | Updated as of Apr 06 2019 09:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagsa agad ang mga mamimili sa iba't ibang palengke para sa huling bagsak ng National Food Authority (NFA) rice bago ang napipinto nitong pagkawala sa merkado.

Biyernes nang dumating ang huling batch ng imported rice na ibebenta ng NFA matapos maisabatas ang rice tariffication law.

Kaakibat kasi ng rice tariffication law ang pag-alis ng ilang pangunahing tungkulin ng NFA gaya ng pagbebenta ng P27 kada kilong bigas at pagbabantay sa mga rice retailer at importers.

MAHABANG PILA

Sa Commonwealth Market, inabot ng tanghali ang mga mamimili dahil sa haba ng pila para sa NFA rice.

Dahil limitado ang stock, tatlong kilo na lang ang maaaring bilhin kada kustomer.

Kaya naman may panawagan ang konsumer na si Pearly Casis sa pamahalaan.

“Presidente, sana naman huwag mawala ang NFA kung puwede lang. Maawa po kayo, tulungan niyo kaming mahihirap,” ani Casis.

Sa ngayon ay may mahigit 515,000 metric tons ng imported na bigas na natira sa NFA warehouse na ibebenta sa merkado hanggang Agosto.

Pagkatapos ng Agosto, pang-buffer stock na lang ang NFA rice para sa mga kalamidad o emergency, at mawawala na ang tig-P27 na bigas.

Samantala, bumaba nang P4 hanggang P5 ang presyo ng commercial rice sa Commonwealth Market simula Marso.
 
PANGAMBA

Ayon sa gobyerno, maaari pang bumaba ang presyo ng bigas pero hindi kumbinsido rito ang ilang grupo, gaya ng Bantay Bigas.

“Sa pagsusuri namin sa matagal nang karanasan ng Pilipinas sa pag-i-import, hindi talaga bumaba ’yung presyo ng bigas,” ani Cathy Estabillo, spokesperson ng Bantay Bigas.

“Higit lalong hindi na ito bababa dahil mawawala na 'yung regulatory power ng NFA at inaasahan na talaga 'yung pricing ng bigas sa traders at higit lalong titingkad ang cartel," dagdag niya.

Sa mga susunod na araw, magpupulong ang Bantay Bigas, kasama ng ibang magsasaka at maralitang grupo, para ikampanya ang pagbasura ng rice tariffication law.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.