Lobo mayor nanindigang haharangin ang pagbalik ng dredging vessel

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 05:45 PM | Updated as of Apr 09 2019 12:31 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanindigan si Lobo, Batangas mayor Jurly Manalo na haharangin ng lokal na pamahalaan ang pagbabalik ng foreign dredging vessel na umalis noong Biyernes sa ilog sa bayan. 

Ito ay matapos ihayag ng pamunuan ng Seagate Engineering and Buildsystems na babalik sila para mag-dredge kung naaayos na nila ang kaukulang dokumento nito. 

Muling iginiit ni Manalo na terminated na ang kontrata nila ng Seagate noong 2008 dahil napagkasunduang maaaring i-terminate ang kontrata kung may nilabag sa batas at panuntunan. 

Dating nabanggit na binawi ng lokal na pamahalaan ang kasunduan sa Seagate dahil wala naman umano itong ginawang trabaho magmula noong pinirmahan ang kontrata. 

Bukod pa dito ay kulang daw ang mga permit na isinumite sa kanila kung kaya't hindi naipagkaloob ang dredging project sa Seagate. 

Layon ng proyekto na maiwasan ang flashflood sa lugar kaya pumirma na ng kontrata kasama ang kompanyang FS Suntan Sand Corp. ang lokal na pamahalaan para sa dredging at desilting ng Lobo River. 

Hindi rin kumbinsido si Manalo sa dahilan ng Seagate noon kung bakit hindi sila agad nakapag-dredge. 

Sa ngayon, malalim pa ang ilog kung kaya't naka-standby para mag-dredge ang kasalukuyang kompanyang may kontrata sa lokal na pamahalaan.

Nauna nang naalarma ang mga residente ng Lobo sa pagdating ng Seagate vessel lulan ang crewmen na karamihan ay Tsino. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.