Naiwang maleta, nagdulot ng takot sa gasolinahan

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 10:54 AM | Updated as of Jan 17 2019 07:32 AM

Walang laman ang maletang nagdulot ng takot sa mga tauhan ng isang gasolinahan sa Araneta Avenue sa kanto ng Maria Clara Street sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City nang siyasatin ng bomb squad, Abril 5, 2018.

MANILA – Isang maleta ang nagdulot ng pangamba sa mga tauhan ng isang gasolinahan sa Araneta Avenue sa kanto ng Maria Clara Street sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City Huwebes ng gabi.

Pasado alas-10 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang bomb squad ng Camp Karingal. Agad na kinordon ang lugar at ininspeksiyon ang bagahe.

Wala namang laman ang maleta nang buksan.

Sa CCTV ng barangay, makikita ang 4 na babae na tinatahak ang Maria Clara Street na dala-dala ang maleta.

Matagal silang tumambay sa gasoline station habang nagaabang ng taxi. Hindi pa malaman kung naiwan ang maleta o sadyang iniwan.

Ayon sa barangay, hindi biro ang mag-iwan ng mga ganitong bagahe lalo na’t nakakadulot ito ng alarma.