Misis pinatay dahil sa selos

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2018 08:12 PM

Inamin ng suspek ang nagawa niya sa kaniyang misis pero sinabing hindi niya sinasadyang tuluyang mapatay ito sa pamamagitan ng pagpalo ng tubo sa ulo at katawan ng biktima. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Nahaharap sa kasong parricide ang isang lalaki matapos mapatay ang kaniyang asawa, Martes ng hapon sa Tibungco dito sa siyudad. 

Puno ng galit at hindi mapatawad ni Leonora Pait ang ginawa ni Reynante Pacudan sa kaniyang apo na si Sheila Mae.

Pinagpapalo ni Pacudan ng tubo sa ulo at katawan ang kaniyang misis na ikinamatay nito.

Ayon kay Pait, matagal nang minamaltrato ni Pacudan ang kaniyang apo.

Inamin naman ni Pacudan na selos ang nagtulak sa kaniya para saktan ang asawa. Pero hindi umano niya sinasadyang mapatay ang misis.

Lima ang anak ng mag-asawa na lubos na nangangamba para sa kanilang kinabukasan.

Nangako naman si Pait at mga kamag-anak nila na pag-aaralin ang mga anak ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.